Ngayon ko lang nabasa yung James Soriano article. LOL
Hindi ko magawang magalit kasi may punto naman ang iba sa mga sinabi niya sa artikulo niya - (1) ang wikang Filipino bilang isang 'other' subject, (2) ang hirap na pinagdaraanan ng mga estudyanteng Pilipino pagdating sa subject na ito - at isinulat lang niya ang mga obserbasyon niya't opinyon tungkol sa wikang Filipino. Kaya siguro ganoon na lang ang reaksyon ng mga tao sa sinulat niya ay dahil naisalin na sa salita ang mga realidad na pilit nilang itinatago at itinatanggi sa kani-kanilang mga sarili - na kahit Pilipino tayo at sumusunod na Filipino rin ang dapat nating gamiting lenggwahe ay alam natin sa ating mga sarili (ikinukubli man o tinatanggap natin ang katotohanang ito) na mas sanay tayong gamitin ang wikang Ingles at mas nanaisin nating bumasa at magsulat sa wikang ito.
Ang hindi ko lang matanggap at ang ikinahihiya kong ginawa niya (bilang isang Pilipino at Atenista na rin) ay ang pagmamaliit niya sa mga kasambahay, sa mga drayber, at mga tinderang gumagamit ng wikang ito. Hindi ko maamin sa sarili kong nagawa niya ito sa kapwa niyang Pilipino. Hindi dahil gumagamit sila ng wikang Filipino ay nangangahulugang maaari na silang dustain at hamakin. Hindi kakulangan ng pagkatao ang pag-gamit ng wika kung hindi ay ang paraan ng pag-gamit nito.
Sa totoo lang, sa dami ng mga taong gumagamit ng wikang Ingles... maituturing nang mga 'elite' ang mga taong gumagamit ng wikang Filipino (dahil pili lang ang mga taong binibiyayaan ng lakas ng loob at isip na gamitin ito).Eto pala yung link ng artikulo: http://wawam.wordpress.com/2011/08/26/the-james-soriano-article-when-truth-hurts/
No comments:
Post a Comment