Medyo... malamig ang papag.
May kung anong bigat
na nakadagan
sa dibdib, at hindi makahinga.
May mahapding kurot na mapilit, ayaw papigil.
Nasan na nga ba si kuya?
Ano't ang ingay sa tanggapan
at sadya yatang maraming tao.
Parang piyesta sa dami ng ilaw,
pagkain,
bulaklak,
tao.
Kumakanta ng tinahi-tahing
kung anu-anong dasal
ang mga matatanda.
Maingay, mausok, mainit.
Nagkalat ang talulot ng bulaklak sa lapag
- mamayang kaunti, kapag nagsiuwian na sila
pupulutin ko ang mga nalagas na.
Natutulog pala siya, eh bakit sa kahon pa?
Bakit sa halimuyak ng bulaklak
at sa malalim na pagkakaidlip
ikakanta ang mga hinaing
at ang mga pangungulila?
Sino bang mawawala? Sino ang aalis?
Bakit sa mga kandilang marikit
at sa mga larawang
pinaglipasan na ng panahon
maririnig ang taghoy at hinagpis?
'Wag na sanang bumitiw.
Sa kawayan kong papag
nakalatag ang mahina kong katawan
Si kapatid,
nakaratay sa sarili niyang kahong natatakpan ng salamin,
napalilibutan ng bulaklak at kandila.
Maraming nakapaligid sa kanya, umuutal ng mga dasal
umuutang ng mga sandaling hindi na maiibabalik.
Anong iniiyakan nila?
Sa oras na gumising si kuya,
at gumaling na ako sa sakit ko,
aayain niya akong mag-laro
sabay kaming lalabas,
hindi niya ako iiwan.
No comments:
Post a Comment